Catriona Gray, nagsampa ng kaso laban sa isang tabloid dahil sa pagpapakalat ng pekeng hubad na larawan

Pormal ng naghain ng reklamo sa Quezon City Prosecutors Office si Ms. Universe 2018 Catriona Gray laban sa isang tabloid newspaper dahil sa malisyosong pag imprenta ng pekeng hubad na larawan nito.

Ito ang kinumpirma mismo ng legal counsel ni Gray na si Atty. Joji Alonso sa kanyang Instagram account.

“The first case has been filed before the Quezon City Prosecutors Office while we await the results of the NBI investigation on the identification of other respondents,” pahayag ni Atty. Alonso sa kanyang Instagram.

Nabatid na kasama ni Gray na naghain ng kasong Libel sa Quezon City Prosecutions Office nitong araw ng Biyernes, September 18, 2020, ang kanyang talent manager na si Erickson Raymundo at si Atty. Alonso.

Kabilang sa sinampahan ni Gray ng nasabing kaso ang editor ng Bulgar na si Janice Navida at ang entertainment writer nito na si Melba Llanera.

Nitong buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan ng lumapit si Gray sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang humingi ng tulong para mahanap ang mga taong responsable sa pagpapakalat sa social media ng pekeng hubad na larawan nito.

Sinabi ni Atty. Alonso na ang ipinakalat na larawan umano ni Gray ay peke at binago kung kaya naman agad silang gumawa ng hakbang para mapanagot ang ilang personalidad sa pagpapalabas ng hindi tunay na larawan ni Gray partikular sa nabanggit na tabloid.

(PHOTO COURTESY: Atty. Joji Alonso)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.