SA buwan ng Mayo inaasahang makukumpleto ang konstruksyon ng Silang Interchange segment ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ay makaraang makakuha na ng writ of possession ang DPWH sa nalalabing 15,650 square meters na lupain na kailangan sa proyekto.
Ang suspensyon sa pagpapalabas ng writ of possession sa nalalabing lupain para makumpleto ang proyekto ay tinanggal ni Tagaytay Regional Trial Court Branch 134 Judge Michael Maranan noong Pebrero 2023.
Bunsod nito, sinabi ni DWPH Secretary Manuel Bonoan na makukumpleto nila ang CALAX Silang sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan makaraan ang mga delay dahil sa isyu sa “right-of-way.”
Ang Department of Budget and Management (DBM) ay nakausap na rin umano ni Bonoan.
Tiniyak umano ng DBM ang pagpapalabas ng kaukulang pondo para matapos ang proyekto. Naglaan umano ang DBM ng P2 bilyon para sa CALAX right-of-way para ngayong taon.
Ayon sa DPWH, ang Silang-CALAX ang ikalima sa walong segment ng 45-kilometrong toll road. May haba ito na 3.9 kilometo mula Silang East Interchange hanggang Aguinaldo Highway sa Cavite.