Breaking News

Share this information:

KALABOSO ang isang tsuper ng bus matapos tutukan ng dala nitong pellet gun ang isang traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa pagmamaneho ng tricycle na walang prangkisa sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Roger Trabajales, ng Tolentino St. Tagaytay City, Cavite na nahaharap sa kasong Grave Threat in relation to R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan, nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tinajeros si Ramir Maclang, 40 anyos, traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Malabon nang mamataan niya ang minamanehong tricycle ni Trabajales na walang nakalagay na sticker na isang pagpapatibay kung may prangkisa ito sa lokal na pamahalaan.

Nang sinita ni Maclang si Trabajales, binuksan nito ang dalang sling bag at kinuha ang dalang baril sabay tutok kay Maclang na nahintakutan sa pag-aakalang tunay na baril ang pellet gun ng suspek.

Dito na sinamantala ni Trabajales ang pagkakataon at mabilis na pinaharurot patakas ang minamanehong tricycle habang palihim naman siyang sinundan ni Maclang sakay ng kanyang motorsiklo.

Pagsapit sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Valdez St. Brgy. Catmon, nakahingi ng tulong si Maclang sa nagpapatrulyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at narekober sa kanya ang isang pellet gun na may magazine.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: