HINDI naging hadlang ang umiiral na pandemiya at pagbuhos ng ulan sa pag-gunita ng lalawigan ng Bulacan ng Ika-443 taon ng pagkakatatag nito o Founding Anniversary.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang Banal na Misa na ginanap bandang alas-7:00 ng umaga na pinamunuan ni Bishop Deogracias Iñiguez, kasama ang ilang mga pari sa Bulacan.
Sinundan ito ng isang wreath laying ceremony sa monumento ni Marcelo H. Del Pilar na nasa harap ng kapitolyo sa lungsod ng Malolos, kasama ang mga piling lokal na opisyal, mga department head at mga empleyado sa kapitolyo,habang ipinatutupad naman ang minimum health standard at iba pang safety protocols.
Pinangunahan ni Governor Daniel Fernando ang simpleng selebrasyon na ginanap sa Bulacan Capitol sa Malolos City nitong Linggo ng umaga.
Kasama ni Fernando sina Vice Governor Willy Alvarado, Board Members Romina Fermin, Jong Ople, William Villarica at Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head Dr. Eliseo Dela Cruz sa ginanap na wreath-laying ceremony.
Ayon sa gobernador, ang paggunita ay hudyat na rin ng pagsisimula ng Singkaban Festival 2021 ngayong Setyembre na may temang “Paglingon, Paghilom, Pagbangon” na kung saan ang lahat ng mga event ay isasagawa sa pamamagitan ng online celebration.
“Mahalaga na patuloy natin gunitain ang pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan dahil makasaysayan ang bawat kaganapan sa ating probinsiya na pinamunuan ng mga magigiting na Bulakenyong bayani,” Fernando said.
Ipinagkaloob naman ni Gov. Fernando at Dr. Dela Cruz ang “Gawad Mariano Ponce 2021” kay Dr. Jaime Veneracion dahil sa kanyang malaking ambag sa pagtataguyod ng kasaysayan ng lalawigan ng Bulacan at ng buong bansa.

