PAIIMBESTIGAHAN ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkamatay ni Corrections Officer 1 Jerson Talon at dalawang pulis noong Biyernes ng gabi sa Irawan, Puerto Princesa, Palawan.
Giit ni Catapang na dapat pamunuan ng NBI ang imbestigasyon dahil uniformed personnel ang mga sangkot kabilang si Talon, Police Staff Sergeant Ryan Cris Cabaña at P/SSg Jayson Fernandez na nakatalaga sa Puerto Princesa City Police Station 2.
Ang insidente ay nag-ugat diumano sa komosyon na nangyari sa lamay sa patay malapit sa tahanan ni Talon, kung saan sangkot umano ang mga lasing na pulis at mga sibilyan.
Sa pahayag umano ng misis ni Talon, habang nasa loob sila ng kanilang tirahan nakarinig ng putok ng baril kaya dali-daling lumabas si Talon sa pag-aalala sa anak na babae na nasa lamay.
Nang isasara na umano ang gate nila, tatlong lalaki na nakasuot sibilyan ang lumapit at nagtanong tungkol sa kaguluhan.
Nagpakilala umano si Talon na isa siyang Corrections officer pero nagpumilit ang tatlo na nagpakilalang mga pulis at pumasok sa kanilang gate kinaladkad umano si Talon, habang sinabihan siya na protektahan ang mga anak.
Nagkubli umano ang mag-iina at nakarinig sila ng mga putok at nakita niyang nakabulagta na ang dalawa—na kalaunan ay kinilalang sina Cabaña at Fernandez, habang si Talon ay kinakaladkad umano ng isang pulis.
Nang tumakas umano sila ng mga anak para magtungo sa kapitbahay, nakarinig muli ng isang putok kaya nagpasaklolo sa mga tauhan ng BuCor
Ang mag-iina ay dinala sa kustodiya ng NBI-Palawan.

