Bodyguard ng Cavite mayor, namaril

Share this information:

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang sinasabing bodyguard  ni Rosario, Cavite Mayor Voltaire Ricafrente III matapos nitong mabaril ang isang pulis at ang ama nito kagabi.

Napag-alamang nag-ugat ang pamamaril dahil sa away ng pamangkin ng suspek at kapitbahay ng mga biktima.

Ang suspek ay nakilalang si Antonio Perea alyas “Tonifer “ ng Barangay Ligtong 1, Rosario, Cavite at pamangkin nitong si John Perea alyas “Kokoy” ng Brgy. Ligtong 4, Rosario, Cavite.

Ang mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ay sina Cpl. Jerome Carlo Pamaran, 31 anyos, aktibong pulis ng Bacoor City Police Station.

Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang ama ni Pamaran na si Jose Edgardo, 54 taong gulang.

Base sa imbestigasyon ng Rosario Police Station, nagku-kuwentuhan ang mag-amang Pamaran sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Ligtong 2, Rosario nang biglang dumating ang mga Perea at pinagbabaril ang mga ito.

Gaganti sana ng putok ang pulis na si Jerome ngunit pinagbabaril muli ito ni Antonio.

Matapos ang pamamaril, pinulot ni Antonio ang baril ng pulis na si Jerome saka tumakas kasama ang kanyang pamangkin na si John.

Mabilis na dinala ng mga kaanak ang mga biktima  sa St. Martin Hospital ngunit Dead on Arrival si Cpl. Pamaran habang ang ama nito ay kasalukuyang ginagamot.

Tinitingnang anggulo sa insidente ng  pamamaril ay dahil sa awayan nina John at Calvin Herrera, na sinasabing kapitbahay ng mga biktima, na inawat naman ng nakababatang Pamaran.

Pinaghahanap na ng pulisya ang mga tumakas na suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.