Black Nazarene procession, iimbestigahan sa paglabag sa health quarantine protocols

Ang Joint Task Force Covid Shield ang siyang mangunguna sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa umanoy paglabag sa health protocols ng prusisyon sa itim na Nazareno nitong araw ng Lunes.

Ayon kay JTF Covid  Shiel Commander Police Lt. Gen Guillermo Eleazar, nakipag-ugnayan na siya kay Manila Police District (MPD) Director Brig. General Rolando Miranda at Station 3 Chief Lt. Col.  John Guiagui.

Paliwanag ni Eleazar, bagama’t nagpaalam umano ang pamunuan ng Quiapo Church na magsasagawa ng prusisyon ay bawal pa rin ito sa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ.

“Bagama’t tapos na ito, nangyari na, kumbaga sinasabi natin wala naman tayong puwedeng arestuhin diyan, pero tapos na po ‘yan pero puwede po na imbestigahan ‘yan, at kung makakakuha po ng sapat na ebidensya, depende po sa magiging resulta ng imbestigasyon, puwede pong mag-file ng kaso at managot ‘yung nagkasala man dito,”  ani Eleazar.

Samantala, iginiit ni Quiapo Church Vicar Fr.  Douglas Badong na humingi sila ng permiso sa Obispo at sa local government unit para isagawa ang prusisyon.

Hindi rin umano ipinaalam sa publiko ang prusisyon upang hindi dumagsa ang tao at isinakay na lang sa karosa ang imahe ng Itim na Nazareno.

Dagdag pa ni Fr. Badong, nakasuot ng face mask ang mga marshall na sumama sa prusisyon.

Isa sa mga iimbestigahan ng JTF Covid Shield ay kung nai obserbahan ba ang physical distancing habang nasa kalagitnaan ng prusisyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.