Inilabas ng Department of Justice o DOJ ang ibang mahahalagang detalye sa report ng Task Force Philhealth ukol sa mga alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Batay sa kanilang 177-page report, nakatuon sa imbestigasyon ng Task Force ang tatlong usapin: una, ang approval at implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM.
Ikalawa, ang approval ng pondo para sa pagbili ng information and communications technology o ICT equipment at ikatlo, ang corporate policies at practices na bigo umanong magsuri, magsiyasat, mag-prosecute at papanagutin ang mga tiwaling tauhan ng Philhealth, maging ng health care institutions o HCIs.
Ayon sa Task Force, may “negligence” o kapabayaan sa pag-apruba at pagpapatupad ng IRM, na parte ng National Health Insurance Program (NHIP) na nagkakaloob ng financial assistance sa health care providers.
Nabatid ng Task Force na minadali ang paglalabas ng IRM fund gayung ang circular na nagpapatupad nito ay hindi pa epektibo; ipinatupad ang IRM nang walang “sufficient standards and guidelines” kaya naging bukas sa pang-aabuso; at nailabas umano ng IRM funds nang walang mekanismo para mamonitor ang paggamit ng pondo at liquidation, at walang taxes due.
Nabisto rin ng Task Force na may mga miyembro ng executive committee na sinadya umanong pigilin ang presentasyon ng mga importanteng impormasyon o i-audit ang mga dokumento para makuha ang approval ng Board sa hiling na budget allocations para sa ICT equipment.
Sa isyu ng mga HCI, nasilip ng Task Force ang may mga pinaburan ang Philhealth at bigong magsampa ng criminal complaint laban sa mga sangkot sa katiwalian.
Nadiskubre ng Task Force na may hindi bababa sa anim na pagkakataon na ang penalty of suspension laban sa HCIs, na pinagtibay pa ng Court of Appeals o Korte Suprema, ay nabago at pinagbayad lamang ng multa.
Mayroon ding hindi bababa sa 20 na pagkakataon na ang Board ay pinigil ang parusang suspensyon at pagsasampa ng kaso laban sa HCIs, kapalit ng “payment of fines.”
Dahil sa mga nabanggit, sinabi ng Task Force na may “liability for negligence” ang ilang matataas na opisyal ng Philhealth ay maaaring ipagharap sa parehong administrative at criminal liability sa ilalim ng Graft and Corrupt Practices Act, at iba pa sa ilalim ng Civil Service Laws.
May paglabag din umanong nakita sa National Internal Revenue Code.
Ngayong tapos na ang imbestigasyon ng DoJ, inirekumenda ng Task Force ang paghahain ng reklamong kriminal at administratibo laban kina:
1. Ang nagbitiw na Philhealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales
2. Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel De Jesus
3. Senior Vice President Jovita Aragona
4. Senior Vice President Renato Limsiaco, Jr.
5. Senior Vice President Israel Francis Pargas
6. Officer in Charge Calixto Gabuya, Jr.
7. Division Chief Bobby Crisostomo
Sa kabila ng naturang report ng Task Force, hindi nabanggit sa mga sasampahan ng reklamo si Health Sec. Francisco Duque III na siyang Chairman ng Philhealth.