Biyahe sa probinsiya, ipagpaliban muna — DOH

HINIHIMOK ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na ipagpaliban muna ang pagbiyahe sa mga probinsiya ngayong holiday season dahil sa patuloy pa ring banta ng COVID-19.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Duque na mas makabubuti pa ring ipagdiwang ang holiday sa bahay at kasama ang immediate family upang makaiwas sa peligro dahil mahirap na sa magsisi sa bandang huli.

Pupuwede naman aniya na magkasama-sama ang magkakamag-anak gamit ang online platforms.

Hinihikayat din ng kalihim ang pagdalo na lamang ng misa sa online para hindi makipagsiksikan sa mga simbahan o bahay-dalanginan.

“‘Yung lahat pong ito ay dapat mataas po sa ating kamalayan para lumayo po tayo sa peligro at maging ligtas po ang pagdiriwang ng ating Pasko at Bagong Taon. ‘Wag po tayong pasaway dahil may kasabihan [na] nasa bandang huli po ang pagsisisi,” ani Duque.

Ipinunto ni Duque na sa gitna ng pagluwag ng quarantine protocols at marami ang nagtutungo na sa mga pampublikong lugar, hindi dapat makalimutan ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.

“Ito po ay napaka-mahalagang mga paalala at abiso. Wag po nating isantabi o balewalain ito, gawin na po natin itong bahagi ng ating buhay,” dagdag nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.