INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na base sa resulta ng huling isinagawang sequencing ng ahensiya, Delta variant pa din ang pinaka-nangingibabaw na variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa DOH, sa kabuuang 14,156 na bilang ng sample para sa whole genome sequencing, nasa 12,530 dito ang may lineages. Sa bilang ng may lineages, 3,027 o 24.16 percent na sample rito ay nagpositibo sa Delta variant.
“This variant (Delta) is now the most common lineage among sequenced samples as of the latest whole genome sequencing run,” sinabi ni DOH spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa media forum kanina.
Mula sa 374 na sample na sumailalim na sa sequencing noong Sabado, 319 dito ay naitalang nagpositibo sa Delta variant, habang 13 na kaso naman ang Alpha variant at siyam naman ang Beta variant.
Sa karagdagang 319 na nadetect na Delta variant cases sa bansa, 40 dito ang sa Region 2 o Cagayan Valley, 31 sa CARAGA, ang CALABARZON ay may 26 na mga kaso, at 24 na mga kaso ang naitala sa National Capital Region (NCR). Nasa 18 naman na mga kaso ng Delta variant ay mula sa Returning Overseas Filipinos (ROFs) at apat ang bineberipika pa.
Sa ngayon, nasa 2,734 (21.82 percent) ang nagpositibo sa Beta variant habang 2,461 (19.64 percent) naman sa Alpha variant ayon sa pinakahuling whole genome sequencing na isinagawa mula sa 12,530 sequenced samples with lineages sa bansa.

