Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na sa kabila ng pandemya, umabot sa 60.97 percent ang voter turnout sa ginawang plebisito kamakailan sa Palawan.
Sa ibinahaging datos ni Commissioner Rowena Guanzon, lamang pa rin ang boto ng mga tutol sa mga paghahati sa lalawigan ng Palawan.
Ito aniya ay batay na rin sa Palawan provincial board of canvassers (PBOC) hanggang alas 6 ng kaninang umaga.
Nasa 172,345 ang bumoto ng “No” habang nasa 122,243 naman ang bumoto ng “Yes.”
Ayon sa Comelec, ang mga nabilang na boto o na-canvass na ay mula sa 18 munisipalidad na kabilang sa kabuuang 23 munisipalidad na bahagi ng lalawigan ng Palawan.
Ngayong hapon naman ay muling magko-convene ang ang PBOC para sa canvassing.
Nauna nang nagdaos ng plebisito ang Comelec para sa panukalang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya o ang Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.

