NAGTAMO ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang 24-anyos na babae nang saksakin ng dating nobyo matapos ang mainitan pagtatalo sa labas ng isang fast food restaurant Linggo ng madaling araw sa Makati City.
Wala ng buhay nang idating sa pagamutan ang biktimang si alyas “Daniella” sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad tumakas ang suspek na si alyas “Franz”, sakay ng puting motorsiklo.
Ayon sa ulat ni Makati Police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, ang pangyayari ay nasaksihan ng mga ibang tao na naroroon naging mainit ang pagtatalo ng dating mag-irog sa labas ng establisimiento sa Adelina St. Brgy. Singkamas ng alas-4:40 ng madaling araw na nauwi sa paghugot ng patalim ng lalaki at pinagsasaksak ang dating kasintahan.
Tumulong naman ang testigong nakakakilala sa suspek at sinabi kung saan nakatira ito kaya’t kaagad nagkasa ng follow-up operation ang kapulisan na nagresulta sa pagkakahuli kay alyas Franz ng alas-8:50 ng umaga habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Rizal Avenue, Brgy. San Antonio, Angono, Rizal.
Nagpasalamat naman si BGen. Arceo sa naging mabilis na pag-aksiyon ng kapulisan sa naturang krimen kaya’t agad naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong murder sa Makati City Prosecutors Office.

