BBM-SARA uniteam, inendorso ng El Shaddai

Share this information:

PORMAL nang inendorso ni Bro. Mike Vilarde, ang supreme leader ng El Shaddai, sina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos (Partido Federal ng Pilipinas) at ang chairperson ng Lakas-CMD na si vice presidential bet Mayor Sara Duterte-Carpio sa kanilang kandidatura sa May 9, 2022 national and local elections.

Kapwa itinaas ni Velarde ang mga kamay nina Marcos at Sara bilang hudyat sa pagsuporta sa kanila ng El Shaddai sa eleksyon.

Laking tuwa nina Marcos at Mayor Sara sa pag endorso ni Velarde kasabay ng pagpapasalamat din sa may mahigit 7milyon miyembro nito.

“Maraming, maraming salamat po Brother Mike Velarde at sa milyun-milyong kasapi ng El Shaddai. Ang inyong suporta sa aking kandidatura pagka-bise presidente ng Pilipinas ay isang malaking tulong sa aking pangarap at mga gustong isulong kapag ako ay nahalal kasama ang ating presidential candidate–si Apo Bongbong Marcos,” pahayag ni Mayor Sara.

Pinangako ni Mayor Sara sa libo-libong dumalo sa aktibidad na ipapagpatuloy nito ang kampanya ng kanyang ama na si Pangulong Duterte partikular ang giyera kontra ilegal na droga.

“Gusto rin nating ituloy ang mga magagandang programa at proyekto ng administrasyong Duterte,” wika nito.

Dagdag pa ni Mayor Sara na ang pag endorso sa kanila ng naturang religious group ay isang inspirasyon sa kanila ng dating senador na pamunuan ang bansa.

“Kagalang-galang na Brother Mike Velarde, ang inyo pong dasal at basbas–kasama ng lahat ng kasapi ng El Shaddai–ay karagdagang sandata sa amin ni Apo BBM sa pagharap namin sa hamon na pamunuan ang ating bansa,” saad ni Mayor Sara.

“Alam namin na hindi biro ang aming hinaharap. At kung sakaling kami ang pipiliin ng mga Pilipino sa Mayo, kakaharapin namin ang tiyak na mas malalaki pang hamon. Pero naniniwala ako na walang hamon o pagsubok o problema na hindi kayang solusyunan o lampasan sa pamamagitan ng ating pagkakaisa,” sabi pa nito.

“Alam ko na ang pagkakaisa ay isang bagay na pamilyar at malapit po sa puso ng mga kasapi ng El Shaddai. Kasama ang pananampalataya sa Diyos, ang pagkakaisa ang dahilan bakit malakas at lumalakas po ang inyong samahan,” ani pa ng alkalde mula sa Davao City.

“Sa darating na mga araw, magpapatuloy ang Mahalin natin ang Pilipinas Ride. Sa pamamagitan nito, nais naming makasalamuha at makausap ang mas marami pa nating mga kababayan–para maiparating sa kanila ang ating mensahe, para maipaabot namin ang mga plano ng UniTeam. Humihiling po ako ng mas marami pang panalangin at basbas na sana ay maipagpatuloy namin ang aming gawain nang maayos at walang problema,” ani Mayor Sara.

“Hangad po namin ang tagumpay ng mga Pilipino at ng buong bansa. Sa muli, tanggapin po ninyo ang aking taus-pusong pasasalamat sa inyong suporta. Ipagdasal natin ang Pilipinas. Mahalin natin ang Pilipinas. Maraming, maraming salamat,” pagtatapos nito.

Dumalo ang BBM-SARA uniteam sa misa na idinaos kahapon sa El Shaddai International House of Prayer sa Paranaque City kasama sina senatorial aspirants Mark Villar at Guillermo Eleazar bilang mga guest candidates.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.