“Basag Kotse,” nambiktima ng kotse ng kagawad sa Valenzuela; miyembro, timbog

SA kulungan ang bagsak ng isa umanong miyembro ng “Basag Kotse” matapos nitong biktimahin ang sasakyan ng isang barangay kagawad at tangayin ang nasa P50,000 cash ng biktima sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Ang naarestong suspek ay kinilala ni PLt. Robin Santos, hepe ng Valenzuela Police Station Investigation Unit (SIU) bilang si Robert Leonardo, 58 anyos, ng No. 564 Aquarius St., Gremville Subdivision 1, Bagbaguin, Caloocan City.

Sa imbestigasyon nina PSSgt. Julius Congson at PCpl. Julius Bernardo, dakong alas-7:55 ng umaga nang madiskubre ng saksing si Redentor Pepito Ordoño, 48 anyos, caretaker, na basag na ang kaliwang bahagi na bintana ng puting Mitsubishi Montero (NEI 8975) na pagmamay-ari ni Jim Agustin Ajero, 47 anyos, isang negosyante at barangay kagawad ng Barangay Parada at residente ng No. 248 Parada Road, Fortune 5, Parada.

Agad ipinaalam ng saksi sa biktima ang insidente at nang tignan ang loob ng saksakyan ay nadiskubre na nawawala na ang humigit-kumulang sa P50,000 cash at iba’t-ibang pagkakakilanlan na naging dahilan upang humingi sila ng tulong sa pulisya.

Ayon kay PLt. Santos, sa pamamamagitan ng nakalap nila na mga CCTV footage ay natunton nila ang dinaanan ng suspek sa kanyang pagtakas kung saan huli itong nakitang naglalakad patungo sa Bagbaguin, Caloocan City.

Sa patuloy na follow-up operation, isa pang saksi ang nagbigay ng impormasyon sa mga pulis hinggil sa kinaroroonan ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-8 ng gabi.

Narekober sa suspek ang isang asul na polo shirt, P280 cash, ID ng biktima, flat screw driver, tire wrench, isang USB at lighter/flashlight.

Ipipirisinta ang suspek sa pamamagitan ng E-Inquest Proceeding sa Valenzuela City Prosecutors Office para sa kasong Theft (Basag Kotse).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.