ISANG barangay sa Sta. Cruz, Maynila ang muling nilamon ng apoy isang taon mula noong huling masunog ito.
Ilang mga kabahayan sa Barangay 310 ang nasunog noong Miyerkules, na nagsimula ng ika-9:41 ng gabi, at naging mabilis ang pag-akyat at umabot agad sa ika-5 alarma sa loob lamang ng 30 minuto.
Ito ay dahil ang karamihan sa mga bahay ay pawang gawa sa light materials at mga barong-barong.
Ang nasunog na residential area ay bakod lamang ang pagitan nito sa Manila City Jail.
Unang naitala ang sunog sa apat na palapag na bahay na pagmamay-ari ni Gerardo Bantay.
Ala-1:49 ng madaling araw ng ideklarang fire under control ang insidente at nasa halos 250 na bahay ang nadamay.
Dalawang sibilyan ang naitalang sugatan, isang senior citizen na nakaranas ng paso sa katawan at isang 25-anyos na nahirapan sa paghinga. Pareho na silang nasa maayos na kalagayan.
Tinatayang aabot sa P3.75 milyon ang halaga ng pinsala ng nasabing sunog at nasa 500 pamilya o 1,500 na indibidwal ang apektado.

