Bagong modus sa Immigration, bistado; liaison officer arestado

Share this information:

NABUKO ang bagong modus sa Bureau of Immigration na sinasabing ipinalit sa pastillas scheme makaraang maaresto ang isang liaison officer nang manghingi umano ng malaking bayad sa pagpapapasok ng Chinese nationals sa Pilipinas.

Ayon sa ulat, inilunsad ang entrapment operation laban sa isang Vivian Lara sa tanggapan mismo ni BI Prosecutor Atty. Arnulfo Maminta.

Huli umano sa aktong tinanggap ng suspek ang isang bag na naglalaman ng P900,000 kabayaran sa pagpoproseso ng visa at pasaporte ng tatlong Chinese national na ilegal na papapasukin sa bansa.

Si Lara ay sinasabing empleyado ng isang law office na tumutulong na magproseso sa mga dokumento ng mga Chinese national.

Nang kuwestyunin si Lara ay ikinatwiran lang nitong mayruon siyang kinuha sa opisina ni Maminta at wala umano siyang kasabwat sa BI. Itinanggi rin nito na may nalalaman siya patungkol sa singilan na P550,000 sa bawat Chinese national dahil ibinilin lang sa kanya ito.

Inihayag naman ni NBI Task Force Chief Gerald Geralde na ito ngayon ang bagong modus para sa pagpapasok ng mga Chinese national sa bansa matapos mabuking at matigil ang “pastillas scam” sa paliparan.

“Upon arrival, pina-process na ang kanilang visa pero this time prior sa kanilang travel from China ay inaayos na dto sa imigration ang kanilang travel documents para pagdating nila ipapasa nalang nila sa airport,” ayon pa kay Geralde.

Ang naturang bagong modus ay sinimulan nang imbestigahan ng NBI nuong Disyembre ng nakaraang taon matapos silang makatanggap ng impormasyon na nagpapatuloy pa rin ang katiwalian sa ahensya.

Pinagpapaliwanag din ng NBI ang BI kung bakit pinapayagang gamitin sa ilegal na transaksyon ang kanilang opisina.

Magkakaroon naman ng sariling imbestigasyon ang BI sa kanilang mga empleyado maging sa kanilang mga accredited na law office. Binigyan-diin ng BI na hindi nila kinukunsinti ang ganitong modus.

Sa panig naman ng Calalang Law Office hindi umano nila empleyado si Lara at wala silang kinalaman sa transaksyon nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.