Maglalabas ng pastoral instruction si Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, para sa #HolyWeek2021 celebrations.
Ang archdiocese ang sumasaklaw sa lungsod ng Manila, Pasay, Makati, Mandaluyong at San Juan.
Kasunod ito ng mas pinahigpit na pagpapatupad ng general community quarantine ng Inter Agency task Force o IATF.
Nilinaw ng Obispo na nakasalalay sa lokal na komunidad kung gusto nila ang pagsasagawa ng physical mass.
Ayon pa kay Bishop Pabillo, ang konsepto ng “local communities” ay nakabase sa “principle of subsidiarity” kung saan ang makakapagdesisyon aniya sa ground ay ang lokal na komunidad.
“Kaya sinabi namin sa pastoral letter na maaaring magkaroon ng [Misa] up to a maximum of 10 percent, pero ang mga local communities, ibig sabihin ang mga pari kasama ang kanyang mga pastoral leaders ay sila magde-desisyon kung magbubukas ba sila or hindi kasi iba-iba ang sitwasyon, di ba?” pahayag pa ng Obispo.
Ayon sa archdiocese, susundin pa rin ang minimum public health standards ng health protocols ngunit walang anumang aktibidad sa labas ng simabahn gaya ng Senakulo, Pabasa, prusisyon, motorcades at Visita Iglesia pero simula Marso 24 ay magkakaroon pa rin ng misa na may kapasidad na 10 percent ng maximum church capacity.
Ilalabas naman ang “instructions” sa kung papaano isasagawa ang bawat selebrasyon ngayong Holy Week ng Archdiocese Liturgical Commission sa susunod na mga araw.
Sa kabila nito, hinihikayat pa rin ng archdiocese ang mananampalataya na dumalo sa mga aktibidad ng simbahan sa pamamagitan ng live stream o online bagamat may pagkakataon na okey namang makalapit sa simbahan ang mga tao nang nasusunod ang minimum public health standard at health protocol ng pamahalaan.
Ang gobyerno ay muling nagpatupad ng paghihigpit sa ilang mga lugar lalo na sa lugar na pasok sa NCR Plus bubble kung saan kasama ang mass gathering sa mga hindi pinapayagan.
Kabilang naman ang religious activities sa nasabing mga lugar ang apektado ng nasabing patakaran.
Giit naman ni Bishop Pabillo, ang 10 percent kapasidad sa loob ng simbahan ay hindi maituturing na mass gathering.

