Sa paggunita sa “Araw ng Kagitingan”, kinilala at pinarangalan ang apat na kagawad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa ipinamalas na katapangan at kabayanihan nang makipagputukan at biguin ang isang carnap gang na nang-ambush at tangkang i-rescue ang kanilang kasamahan inmate na Chinese national nitong Lunes, Abril 7, 2025 sa Paranaque City.
Personal na ginawaran ni BJMP Chief, Jail Director Ruel S. Rivera ng Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kagalingan ang apat na nasangkot sa pananambang habang ibinibiyahe ang person deprived of liberty (PDL) sakay ng BJMP transport vehicle pabalik sa Paranaque Jail Facility mula sa pagdinig sa Makati City Regional Trial Court.
Ayon kay Dir. Rivera, ang mga parangal sa apat ay bilang pagkilala sa kanilang katapangan at kahusayan sa gitna ng panganib.
Sa imberstigasyon ng pulisya, pinaputukan ng mga armadong suspek na lulan ng dalawang sasakyan ang BJMP transport vehicle habang pauwi mula sa isang court hearing. sa palitan ng putok ng baril sa pagitan ng mga kriminal at tauhan ng BJMP, nasugatan ang isa sa mga BJMP personnel at agad naman naisugod sa ospital, habang ligtas na naibalik ang lulan na PDL sa Parañaque City Jail.
Ang PDL ay nahaharap sa kasong carnapping sa makati City Regional Trial Court habang illegal possession of firearms sa Paranaque City.
Sa mabilisan pagresponde ng mga tauhan ng Parañaque City Police, naaresto ang anim na salarin kabilang ang dalawang Chinese national.
“Ang kanilang mabilis at mahusay na tugon ay sumasalamin ng kanilang katapangan, propesyonalismo, at tunay na serbisyo-publiko,” ani Chief Rivera.
Kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kagitingan, kinikilala ang kabayanihan ng mga lingkod-bayan na patuloy na nagsusulong ng seguridad at kaayusan para sa sambayanan.