Antigen tests para sa magpapasa ng COC, hindi inire-rekomenda ng DOH


HINDI inire-rekomenda ng Department of Health (DOH) na gawing requirement ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasailalim sa antigen test ng mga magpapasa ng kandidatura sa ika-1 hanggang ika-8 ng Oktubre.

“We do not recommend the rapid antigen test kits to be used as a screening test for people who will vote or for people who’s going to join events,” ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Dagdag pa ni Vergeire, kailangang tama ang paggamit dito para walang maging problema o mga katanungan sa resulta ng rapid test.

Nauna nang ipinahayag ng Comelec na kailangang magpakita ng katibayan na negatibo sa COVID-19 ang mga national candidate na magpapasa ng certificate of candidacy (COC) sa Pasay.

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, ang mga nais kumandidato at mga kasama nito ay kinakailangang magpresenta ng COVID-19 negative result bago makapasok sa Sofitel Tent sa Pasay City. May libreng antigen test naman para sa mga hindi pa sumailalim dito, dagdag ni Guanzon.

Matatandaang sinabi ng DOH na ang antigen tests ay ginagamit lamang upang suriin ang mga taong may sintomas ng flu, mga naexpose sa COVID-19 patient o ang mga taong residente sa isang lugar na may mataas ng kaso ng COVID-19..

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.