Umabot na sa 75 percent ang occupancy rate sa anim na district hospital sa lungsod ng Maynila, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso sa kanyang Manila City COVID-19 update na sumampa na sa 392 ang bilang ng mga okupadong kama mula sa 523 COVID-19 beds.
Ang mga district hospital sa Maynila ay ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Abad Santos Medical Center.
Nasa 39 percent naman ang occupancy rate ng quarantine facility para sa COVID-19 positive cases, ayon sa alkalde.
Katumbas ito ng 338 na mga okupadong kama, mula sa 870 na bed capacity. Sa mga quarantine facilities para sa suspect cases, 28 percent ang occupancy rate o 11 na mga okupadong kama mula sa 40 na bed capacity.
Sa pagtatayo ng Manila Mega COVID-19 Field Hospital, tiwala si Domagoso na malaki ang maitutulong nito sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Maynila.
Inaasahan naman na matatapos ito sa loob ng 60 araw.
Sinabi ng alkalde na ang naturang pasilidad ang magsisilbing ika-pitong district hospital ng Maynila, na magiging bukas sa mga pasyenteng may mild at moderate na kaso ng COVID-19.

