Ang tunay na lider, humihingi ng patnubay sa Panginoon — obispo

BINIGYANG-DIIN kamakailan ng isang obispo na ang tunay na lider ay tuwinang humihingi ng patnubay ng Panginoon.

Sinabi ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. na kinakailangan ng bawat lider ang maging madasalin na tuwinang nakikinig at tumatalima sa turo ng Panginoon na makikita sa paraan ng pamamahala nito.

Ayon kay Bacani, ang panalangin ay pakikinig at pag-alam sa kagustuhan ng Panginoon at hindi ng sarili. “Kung madasalin ka, lalabas yan sa pagmamahal at pagiging makatarungan mo sa ‘yong pakikitungo sa kapwa tao. Dahil ang Diyos natin ay Diyos ng pag-ibig at katarungan,” ayon sa pahayag nito sa Pulitika at Pananampalataya ng Barangay Simbayanan.

Giit ng obispo, ang tunay na madasaling pinuno ay masasalamin sa paraan ng pakikitungo at pagpapasya nito para sa kabutihan ng kanyang bayan.

Ang talakayan ay bahagi ng election campaign ng Radyo Veritas na “One Godly Vote” bilang paghahanda at paggabay sa mga botante sa nalalapit na halalan.

Una na ring hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga botante na magkaroon ng “circle of discernment” bilang paraan ng pagsusuri sa katangian ng bawat kandidato na kalahok sa halalan sa susunod na taon.

Manindigan laban sa katotohanan, hamon ni Cardinal Advincula sa mamamayan.

Hinamon din ng arsobispo ng Maynila ang mamamayan na manindigan sa katotohanang hatid ni Hesus ang Kristong Hari.

Ito ang sentro ng pagninilay ni Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng ika-anim na dekada ng kapistahan ng Christ the King Parish sa Project 7 Quezon City nitong Nobyembre 21.

Ayon sa cardinal, malaking hamon sa kasalukuyang panahon ang pagtukoy sa katotohanan lalo’t laganap sa lipunan ang fake news partikular sa social media.

Paliwanag ng arsobispo na ang pagbabahagi ng mga maling impormasyon ay maituturing na pagpanig sa kasinungalingan.

Sinabi nito na maraming mga indibidwal ang naniniwala sa mga napapanood sa social media at binabalewala ang pamamaraan sa paghahanap ng katotohanan o fact checking sa bawat detalye.

Sa pag-aaral ng Statista Research, nasa 80 milyon ang mga Filipinong aktibo sa social media kung saan sa forecast nito sa taong 2026 inaasahang aabot pa sa 90 milyon ang Filipino social media users.

Kaya naman hinikayat ni Cardinal Advincula ang mananampalataya na hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng mga Salita ni Hesus. “Bumalik tayo kay Jesus dahil ang mga Salita ni Jesus ay hinding-hindi magbabago; na kay Jesus ang katotohanan,” dagdag pa ng cardinal.

Ang Christ the King Parish sa Project 7 ay itinatag noong Agosto 3, 1961 at kasalukuyang pinamumunuan ni Father Glenn Orocio.

(PHOTO CREDIT: veritas846.ph)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.