Ang tibay ni Palaboy

LUBHANG nakakabahala ang mga tawag at pananakot ng mga taong pinaniniwalaang nasa likod ng yayamaning kontratistang tila ang nais ay burahin sa landas ang mga peryodistang wala namang ibang hangad kundi maglahad ng katotohanan.

Bagama’t hindi ko masyadong iniintindi ang mga panggigipit sa amin simula pa noong buwan ng Hunyo, aaminin kong nakakaramdam ako ng pagkairita lalo pa’t higit kong inaalala ang aking pamilyang pinaghuhugutan ng lakas sa gitna ng dikit-dikit na problemang dulot ng lintek na pandemya.

Sa aking palagay, malaki ang kinalaman ng kontratistang higit na kilala bilang “Palaboy” sa pananakot na ginagawa sa aming hanay makaraan naming isiwalat ang bulilyasong pinasok nito para lang maibuslo ang P1.1-bilyong kontrata sa Department of Education (DepEd).

Sa isang banda, may katwiran siyang magngitngit lalo pa’t hindi biro ang halagang mawawala sa kanya kung maninindigan ang DepEd na siya’y idiskwalipika nang tuluyan sa paglahok sa mga bidding ng nasabing ahensya.

Isang tumataginting na P1.1 bilyong kontrata para sa paglilimbag ng learning modules na gagamitin ng hindi bababa sa kalahating milyong mag-aaral sa mga public school sa pagbubukas ng klase ngayong Setyembre ang naibuslo ng kumag na si Palaboy.

Ag siste, nagawa niyang sungkitin ang panalo sa bidding gamit ang dinuktor na dokumento para magmukhang kwalipikado ang kanyang negosyong nakarehistro bilang isang gift shop at hindi palimbagan ng aklat – o kahit ano pang learning modules sa ilalim ng blended learning system ng DepEd.

Bagama’t una nang nangako si DepEd Undersecretary Salvador Malana na kanilang bubusisiin ang nasabing bulilyaso, magpahanggang ngayon ay wala pa ding tugon ang nasabing ahensya. Hindi ko masisi si Usec. Malana dahil hindi siya ang Kalihim ng kagawaran. At marahil, kahit pa siya ang Kalihim, hindi niya magagawang salingin ang atas ng higit na nakakataas.

Sa paunang imbestigasyon ng nasabing kagawaran, lumalabas na gumamit ng dinoktor na Audited Financial Statement at Net Financial Contracting Capacity (NFCC) ang kumpanya ni Palaboy para masungkit ang kontratang 11 ulit na mas mataas kaysa sa idineklara nitong kapasidad.

Batay sa dokumentong isinumite sa DepEd, ang JC Palabay Enterprises ay mayroon lamang NFCC na hindi man lang umabot sa P100 milyon. Gayunpaman, nakuha pa rin nitong maibuslo ang P1.1 bilyong halaga ng kontrata para sa 3rd at 4th quarter ng papasok na school year.

Ang nasabing bulilyaso ay nadiskubre ng DepEd makaraang umamin ang isa umanong kasapakat ng naturang kumpanya sa ginawa nitong “pag-areglo” sa bidding requirements nitong si Palaboy.

Pagtatapat pa ng isang kawani ng kagawaran, nakuha niyang palabasing kwalipikado si Palaboy gamit ang pinalobong NFCC at Audited Financial Statement na nagsasabing mayroon na itong P1.99 billion.

Sa isang liham ni Malana na may petsang Hulyo 6, 2021, sinabi ng nabanggit na opisyal na kinausap na niya ang mga opisyal na bahagi ng Bids and Awards Committee na siyang nangangasiwa sa “Self-Learning Modules,” kasabay ng pangakong agad nilang aaksyunan ang nasabing usapin.

Sinabi rin niyang hindi kukunsintihin ng DepEd ang katiwalian – “Please have our assurance that, under the leadership of Secretary [Leonor] Briones, the Department will not allow or condone fraudulent and/or corrupt practices, even if these were in the form of misrepresentations made in the course of our procurement processes. We have always emphasized to our stakeholders and participants in the procurement process the strict observance of law and ethical standards,” saad ng bahagi ng liham ni Malana.

Pag-amin ng kawani ng DepEd, bahagi ng kanyang trabaho ay ang magrebisa ng mga dokumentong isinusumite ng mga nagnanais lumahok sa bidding para sa mga kontrata sa nasabing ahensya. Sinabi pa nito na matagal na din sumasali sa bidding si Palaboy subalit laging bigo dahil sa hindi ito kwalipikado.

Kasabay nito, isang abogadong procurement expert naman ang tahasang nagsabing may malaking anomalya umano sa nasabing bidding process lalo pa’t ang isang ganoong kalaking kontrata ay iginawad sa isang kumpanyang deklaradong hanggang P100 million lamang ang kapasidad.

Sa kanyang pagsusuri, lumalabas na taong 2019 at 2020, nakapagsumite ang JC Palabay Enterprises ng mga dokumentong nagsasabing hanggang P100 million lamang ang kanilang kapasidad.

Napaka-imposible namang kumita siya ng dalawampung doble sa loob ng panahong halos lahat ng negosyo ay nalugi. May salamangkang naganap. Iyan ang dapat kalkalin ni Education Secretary Leonor Briones,” saad pa ng nasabing government procurement expert na nagpahayag ng kahandaang lumutang sa sandaling ipatawag ng Senado, Kamara o ng korte. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.