Alert Level system sa NCR, maaaring palawigin hanggang Oktubre – DILG


MAAARING palawigin ang pilot implementation ng Alert Level system sa National Capital Region (NCR) hanggang Oktubre, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Mayroong indication na, base sa aming pag-uusap, na i-extend itong pilot testing sa NCR…Most probably, i-expect ng ating mga kababayan tuloy-tuloy ang alert level system until October,” sinabi ni Interior Undersecretary Epimaco Densing sa isang panayam.

Ayon pa kay Densing, nakikita na umano ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) ang epekto ng bagong lockdown system hindi lamang sa aspetong pangkalusugan, kundi pati na rin sa ekonomiya ng bansa.

Mukhang nakikita natin nagkakaroon na ng epekto — not to mention, secondary na hangarin ay natutupad ‘yung nagkakaroon ng pagbubukas ng ekonomiya — nakakalabas ang ating mga kababayan para magnegosyo, kumita at magtrabaho,” sinabi ni Densing.

Matatandaang isinailalim ang Metro Manila sa Alert Level 4 mula ika-16 ng Setyembre at magtatapos sa ika-30 ng Setyembre.

Base sa bagong pamantayan, ang mga lugar na isasailalim sa Alert Level 4 na siyang pangalawa sa pinakamataas na alert level ay ang mga lugar na nagpapakita ng patuloy pang pagtaas at pagdami ng bilang ng mga kaso kasama na rin ang COVID-19 bed at Intensive Care Unit utilization rate.

Sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority chairperson Benhur Abalos noong Miyerkules na ang pilot implementation ng bagong ipinatutupad na sistema ay isa umanong matagumpay na eksperimento.

Pag-aaralan pa ng Department of Health (DOH) ang naging epekto ng pagpapatupad ng Alert Level 4 sa NCR at kung ito ba ay naging epektibo.

Lahat po iyan ay pinagaaralan natin ngayon. We just finished one week of implementing this pilot so kailangan pa po natin ng mas maraming panahon katulad nitong linggong darating para makita natin kung sadya talaga ang pagbaba ng mga kaso e maa-attribute na natin, na talaga naging effective ang ating response,” ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.