Alert level 4 status sa NCR, posibleng i-extend ng dalawang linggo — NTF

INIHAYAG ni National Task Force Against COVID-19 (NTF) spokesperson Restituto Padilla na posibleng palawigin pa ng dalawang linggo ang implementasyon ng Alert Level 4 status sa National Capital Region (NCR),

Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na maaaring i-extend ang pagsasailalim sa Alert Level 4 ng NCR kung magkakaroon ng pagbaba sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Hopefully kapag nagawa natin ito sa mga susunod na araw, matapos na ‘yung katapusan sa buwan na ito, maaari pa itong i-extend ng two more weeks bago natin tunay na makita kung ano talaga ‘yung naging epekto nito sa ating mga datos,” pahayag ni Padilla.

Kasalukuyang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) na may Alert Level 4 status ang NCR, na siyang pangalawang pinakamataas na alert level. Ito ay mananatili hanggang Setyembre 30.

Ang mga lugar na mapapasailalim sa Alert Level 4 ay nagpapakita ng patuloy pang pagtaas at pagdami ng bilang ng mga kaso kasama na rin ang COVID-19 bed at Intensive Care Unit utilization rate.

Titingnan natin. Kung nakikitang maganda ang magiging resulta, maaaring magkaroon ng pagpapatupad nito sa malawakan,” dagdag pa ni Padilla.

Nauna nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na susuriin nila kung naging epektibo ba ang pagpapatupad ng Alert Level 4 sa NCR makatapos ang isang linggong implementasyon.

Sa ngayon, nasa 57 na lugar sa NCR ang nasa ilalim ng granular lockdown.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.