Timbog ang tatlong hinihinalang notoryus na magnanakaw ng motorsiklo na nasa aktong kinakatay na ang ninakaw na motorsiklo sa Navotas City kaninang madaling araw.
Kinilala ni Navotas City police chief Police Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na sina Raymond Rey, 36, Marvin Villamor, 24 at Jerwin Tadim, 22, pawang mga residente Barangay 128, Balut, Tondo, Manila.
Ayon kay Col. Balasabas, dakong alas-2 ng madaling araw nang Miyerkules ng madiskubre ng factory worker na si Juvanie Lastimozo, 29, na ang kanyang kulay pulang Sym Bonus SR motorcycle na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa 204 Encarnacion St. Barangay San Rafael Village ay nawawala kaya’t agad itong humingi ng tulong sa mga pulis.
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Kaunlaran Police Sub-Station sa pangunguna ni Police Staff Sgt. Reyjie Gruta, kasama ang biktima sa Barangay San Rafael Village, hanggang sa maispatan ng mga ito ang tatlong katao na sinisimulan ng katayin ang dalawang motorsiklo alas-3 ng madaling araw.
Sinabi ni Lastimozo sa pulisya na isa sa dalawang motorsiklo ay ang kanyang nawawalang motorsiklo na naging dahilan upang arestuhin ng mga pulis ang mga suspek at narekober sa kanila ang mga motorsiklo, kabilang ang isang Honda Beat na may plakang P1168 JC na pinaniniwalaang nakaw din.
Nahaharap sa paglabag sa R.A 1-883 o ang New Anti-Carnapping Act 2016 ang tatlong suspek.

