NAG-IWAN ng halos 40 katao na nasawi habang 22 pa ang nawawala kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan sa Luzon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Gilbert Gapay, nasa 39 bangkay ang nakuha ng kanilang search, rescue, and retrieval (SRR) cluster.
Tinukoy ni Gapay na sa 39 bangkay, walo ang nagmula sa sa Bicol, Calabarzon at Zambales na narekober ng militar.
Nakuha naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang tatlong bangkay mula sa Dasmarinas, Cavite, at isa sa Bicol, at isa sa Ifugao, Benguet. Aabot naman sa 26 ang bangkay na nakuha ng Philippine National Police mula sa anim na rehiyon, kabilang sa Metro Manila.
Samantala, mayroong 40 katao ang nasaktan at 22 pa ang nawawala.
Sinabi rin ni Gapay na nakapagligtas ang mga sundalo ng 2,716 katao sa National Capital Region, Rizal at Bicol region. Naisalba rin ang 11 sugatan.
“So all in all, our search, rescue (and) retrieval cluster saved 138,272 individuals,” pahayag ni Gapay.
Ngunit ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, kailangan pang beripikahin ang nasabing bilang.
“Yung reported recovery of cadavers, we still have to verify kasi baka yung iba diyan hindi naman typhoon-related [ang ikinamatay],” pahayag ni Año.
Kung pagbabatayan aniya ang hawak nitong tala ay nasa 14 pa lang ang kumpirmadong namatay sa kalamidad.

