‘Patuloy paglago ng ekonomiya ng Zambales’ – Ebdane

“Patuloy na paglago sa pananalapi ang nagtutulak sa pamahalaang panlalawigan ng Zambales upang palakasin ang mga komunidad, magtayo ng mas maraming imprastruktura at maghatid ng kaunlaran sa mahahalagang sektor ng serbisyong pampubliko”

Ito ang naging unang talumpati ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. sa kanyang State of the Province Address (SOPA) na ginanap sa Iba Capitol building nitong Lunes.

Sa inaugural session ng Sangguniang Panlalawigan ngayong taon, sinabi ni Ebdane na nananatiling first-class province ang Zambales noong 2025 dahil sa patuloy na pagtaas ng kita, na pangunahing nagmumula sa mga dredging project, at sa maayos na pamamahala ng badyet.

“Sa kasalukuyan, matatag na nakatayo ang Zambales—sa aspektong pang-ekonomiya, panlipunan, at kultural. Muling nakamit at napanatili ng ating lalawigan ang katayuan bilang first-class province dahil sa pinaigting na disiplina sa pananalapi at pinalakas na paglikha ng kita,” ani Ebdane.

Kinilala ng Department of Finance (DoF) ang Zambales noong nakaraang taon bilang Top 8 sa 82 lalawigan sa buong bansa batay sa 32.50 porsiyentong ratio ng locally-sourced revenue (LSR) sa kabuuang current operating income (TCOI), na muling tagumpay matapos makapagtala ng 32.74 porsiyentong LSR-to-TCOI ratio noong fiscal year 2023.

Pumangalawa rin ang lalawigan noong 2022 at pumang-anim noong 2023 sa year-on-year growth ng LSR.

Ang nasabing rekord na kita ng lalawigan ang nagbigay-daan upang mapahusay ang serbisyong pangkalusugan at panlipunan, pagpapaunlad ng imprastruktura, edukasyon, youth at sports development, kabuhayan, pangangalaga sa kalikasan, at kapayapaan at kaayusan sa nakalipas na tatlong taon.

Sa kasalukuyan, inilalatag ng pamahalaang panlalawigan ang pundasyon para sa mas matatag na lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapalakas ng turismo, paghikayat sa lokal na negosyo at pamumuhunan, at pagbibigay ng puhunan at teknikal na suporta sa mga magsasaka at mangingisda.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.