NATAGPUAN ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isinasagawa nito na search and retrieval operation ang ilan pang sako sa Taal Lake sa Batangas.
Ngayong araw sinimulan ang search and retrieval operation sa mga labi ng mga nawawalang mga sabungero na sinasabing itinapon sa Taal Lake sa pagitan ng apat na taon mula 2021.
Wala pang ibinibigay ang PCG na eksaktong bilang ng sako na hinihinalang naglalaman ng buto ng tao na natagpuan sa lawa.
Nitong Huwebes ng hapon, nadiskubre din ang sako na may laman na hinihinalang buto ng tao pero isasailalim pa ito sa forensic examination ayon na rin sa Department of Justice (DOJ).
Samantala, mamayang alas-dos ng hapon magsasagawa ng press briefing si Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng Coast Guard District Southern Tagalog kaugnay sa resulta ng unang araw ng paghahanap sa mga nawawalang sabungero.

