Kahit na humingi na ng dispensa o nag-sorry na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group – Strike Force head Gabriel Go kahapon sa ipinahiyang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) na nag-viral sa social media, siya ay kinasuhan pa rin ng opisyal.
Pagkatapos nang pagpapahayag ni Go ng paumanhin, dumiretso naman si P/Captain Erik Felipe, nakatalaga sa QCPD Anonas Police station 9, sa Quezon City prosecutors office upang ihain ang kasong paglabag sa data privacy act at cyber libel laban kay Go.
Sa isang press conference nitong Huwebes, personal na nagtungo si Go sa National Police Commission (NAPOLCOM) at humingi ng paumanhin kay Felipe at sa buong organisasyon ng Philippine National Police (PNP).
“Sir, if you are listening to this, ako po ay humihingi ng paumanhin sa inyo dahil po sa nangyari. It is not my intention na magkaroon ng ganung hindi maayos na pangyayari at pakikitungo po,” pahayag ni Go.
“Aside from that, nais ko rin pong humingi ng paumanhin hindi lang po kay Captain Felipe but also to the entire PNP. It is, once again, not my intention to tarnish the good reputation of the institution of the PNP,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang linggo, nag-isyu ang opisyal ng MMDA ng ticket kay Felipe para sa mga motorsiklong nakaparada sa bangketa sa harap ng isang police station sa Quezon City.
Humingi ng paumanhin si Felipe kay Go ngunit hindi umano niya nagustuhan ang pagpapahiya nito sa pag-upload sa social media at nag-viral.
Sa panig naman ni Napolcom commissioner Atty. Rafael Calinisan, bagamat humingi na paumanhin si Go ay hindi na nito maaarring pigilan pa si Felipe sa pagsasampa ng kaso dahil sa inabot nitong kahihiyan sa social media.
“Vinideohan ‘yung tao nang hindi niya nalalaman. Wala rin namang consent niya. Clear violation of the Data Privacy Act. Extremely libelous ‘yung ginawa din niya. So I cannot fault Captain Felipe. It’s well within his right to file a case if he’s aggrieved and actually I feel for him,” dagdag ng Napolcom chief. (Dagdag ulat ni Gina Garcia)

