SINABI ni dating Chief Presidential Counsel Atty. Salvador Panelo ng plano ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na magsagawa ng “zero remittance” simula bukas, Marso 28, na tatagal lamang ng isang linggo.
Ayon kay Panelo, ang plano ay isang mahinahon at kalmadong pagpapakita ng pagsalungat sa ginawa ng adninistrasyon kaysa sa mag-alsa.
Isang linggong sakripisyo lang ang gagawin ng mga OFW na hindi makapagpadala ng pera sa kanilang mga pamilya, paliwanag ni Panelo sa ginanap na Meet the Manila Press forum nitong Huwebes.
Binigyang-diin naman niya na hindi naman ito makakaapekto sa kanila at maging sa ekonomiya.
Sinabi rin ni Panelo na kusang gagawin ito ng mga OFW bilang pagpapakita ng kanilang pagsalungat sa mga ginagawa ng kasalukuyang administrasyon, lalo na sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mas mainam umano ang planong Zero Remittance Week kaysa sa mag-alsa ang sambayanang Pilipino.
Dagdag pa ni Panelo, kitang-kita naman ngayon sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ang suporta ng mga OFWs sa mga Duterte kung saan nanawagan ang mga ito na siya ay maibalik sa Pilipinas.

