INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang bangka ang lumubog matapos hampasin ng malalakas na alon sa Rosario, Cavite.
Tatlong sakay naman ng bangka ang nasagip, na pawang mga mangingisda at pamilya. Sila ay sina Julian Cuatodio, 61 anyos; Joel, 37 anyos at Anjo, 31 anyos, at mga residente ng Barangay Litong 1, Rosario, Cavite.
Nanguna sa pagrescue ang mga concerned citizen na sina Ariesto at Reyson Javier matapos nilang masaksihan na pinaikot ng malakas na alon ang bangka, dahilan upang ito ay lumubog.
Umalis ang mga mangingisda noong Setyembre 1 sakay ng FBCA Queen Jenny upang mangisda. Nagpasya silang sumilong nang makaranas ng masamang panahon sa dagat.
Ngunit dahil sa malalakas na hangin at malalaking alon, lumubog pa rin ang kanilang bangka.
Ligtas nang nakauwi sa kanilang pamilya ang mga nasagip na mangingisda, ayon sa PCG.

