PUMALO na ang bilang ng mga kaso ng “heat-related illness” sa 77, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na mula Enero 1 hanggang Abril 29, nakapagtala na ang DOH ng 77 kaso ng heat-related illnesses base sa pinakahuling datos na nakalap nito.
Ayon sa DOH, 67 sa 77 mga kaso ay nasa edad na pagitan ng 12 hanggang 21 ng mga mag-aaral.
Pito naman ang naiulat na mga namatay subalit nilinaw ng DOH na hindi pa tiyak kung ang mga ito ay sanhi ng heatstroke dahil hindi pa sapat ang datos na nakalap nila.
Ang mga pagkamatay ay maaaring sanhi ng sakit na nauugnay sa init, kabilang ang heatstroke o “heat-influenced” tulad ng mga may kondisyon sa puso na pinalala ng mainit na kapaligiran na nagreresulta sa pagtaas na presyon ng dugo.
“Prolonged heat exposure increases the probability of heatstroke, a serious condition characterized by loss of consciousness, confusion, or seizures, which can be deadly if left untreated,” ayon pa sa DOH.
Sa ngayon, naitala ang pinakamataas na heat index sa 53ºC sa Iba, Zambales, noong Abril 28, habang ang pinakamataas na heat index sa Metro Manila ay umabot sa 46ºC na naitala sa Pasay City noong Abril 24.
Kasabay pa rin ng patuloy na tuminding init, nagbabalang muli ang DOH sa publiko na ang mahabang pagkakalantad sa mapanganib na level ng init ay nakakamatay.

