ISANG Koreano na matagal nang wanted ng mga awtoridad sa sarili nitong bansa ang nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng Seoul, South Korea dahil sa pagkakasangkot nito sa kaso ng telecommunications fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang South Korean na si Kwon Hyuckkeun, 41 taong gulang, na inaresto sa tahanan nito sa E. Rodriguez St., Quezon City ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.
“He will thus be deported as soon as we have secured the necessary clearances for his departure. His name was already included in our blacklist, hence he is barred from re-entering the Philippines,” ayon kay Tansingco.
Base sa datos, si Kwon ay overstaying na sa bansa simula noong dumating ito sa Pilipinas noong Nobyembre 26, 2018 o mahigit nang limang taon.
Sinabi ni Rendel Ryan Sy, BI-FSU acting chief, si Kwon ay mayroong outstanding warrant of arrest na inisyu sa kanya ng Seobu Branch ng Daegu District Court sa Korea kung saan kinasuhan siya ng fraud.
Ayon kay Sy, si Kwon at kakutsaba nito ay nag-operate ng isang sindikato ng voice phishing upang maka-panloko ng kanilang kababayan, kung saan nag-alok ito ng mababang interes sa loan kapalit ng mga impormasyon sa kanilang credit card, dahilan upang magkamal ito ng mahigit 12 milyon won, o US$9,000 sa kanilang raket.