INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo na opsyunal ang pagbibigay ng dahilan o rason para sa pagbawi ng lagda sa People’s Initiative withdrawal form.
Nilinaw ng Comelec na ang mga form ay tatanggapin pa rin magbigay man ng rason o hindi tungkol sa kanilang withdrawal.
Ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ang paglilinaw matapos kwestyunin ng mga senador ang nasabing bahagi ng form at sinabing ito ay magiging kumplikadong proseso lamang at pahirap sa mga signatories.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi na dapat hingan pa ng paliwanag ang ating mga kababayan na nais bawiin ang kanilang pirma dahil karapatan nila ito.
Paliwanag naman ni Senador Nancy Binay na ang mga withdrawal forms ng Comelec ay nangangahulugan na ang mga talakayan ng Senado sa People’s Initiative ay produktibo.
Sa panig naman ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, iginiit nito na wala nang nakikitang dahilan para ipagpatuloy pa ang imbestigasyon dahil suspendido na ang pag-uusapan kaugnay sa lahat ng mga inisyatibo na konektado sa nasabing People’s Initiative.
Nanawagan naman si Senador Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na ipagpapatuloy ang talakayan at imbestigasyon sa mga tao na sangkot sa paggamit ng kaban ng bayan para sa People’s Initiative.
“Kailangan may managot. Sino ba pasimuno rito? Kung sinasabi may ginagamit na pondo ng pamahalaan, syempre may accountability yan,” saad ng senadora.
Nitong Linggo, wala pa ring isinumiteng withdrawal form.
Ang grupong BAYAN ay gumawa din ng sarili nilang bersyon ng withdrawal form ngunit hinikayat ng Comelec ang publiko na gamitin ang kanilang bersyon dahil hindi ito nangangailangan ng notarization.

