Mga smuggled luxury vehicle, hindi na sisirain at sa halip ay isubasta na lamang — BOC

INIHAYAG ng Bureau of Customs (BOC) na hindi na sisirain ang mga smuggled luxury cars na makukumpiska ng ahensiya, ayon kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ipinag-utos ng Department of Finance (DOF) sa BOC noong Abril na i-auction o isubasta na lamang ang nasabing mga luxury cars sa halip na sirain bilang isa pang maaaring mapagkukunan ng kita para sa gobyerno.

Ayon kay Customs Deputy Commissioner Edward James Dy Buco, nakapagsubasta na sila ng tatlong luxury cars. May 20 pang isusubasta na may tinatayang halaga na P100 milyon.

Isang task force ang binuo kasama ng Bureau of Treasury (BTr) at Land Bank of the Philippines para sa pagsasagawa ng pagsusubasta.

Sinabi ni Dy Buco na ang mga consignee na nauugnay sa mga smuggled na sasakyan ay pinagbabawalan na sumali sa auction.

Nagsasagawa rin ng background checks ang BOC sa mga bidder para matiyak na hindi sila “dummy” na kinatawan ng mga smuggler.

Nakikipag-crosschecking na rin sila sa Bureau of Internal Revenue para matiyak na sila ay compliant pagdating sa pagbabayad ng buwis.

Hinihikayat ng BOC ang publiko na lumahok sa auction, kung saan ang mga detalye ay matatagpuan sa website ng BOC.

Sinabi ni Guerrerro na pinag-aaralan nila ang posibilidad na ipasubasta ang iba pang smuggled items, gaya ng makinarya at bigas.

Gayunpaman, mas gusto niya na ang proseso ng auction ay italaga sa Land Bank at BTr.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.