NAGHAIN ng panukala ang dating aktor, dating alkalde ng lungsod ng Ormoc at ngayon ay Leyte 4th District Representative Richard Gomez sa Kongreso na naglalayong ipagpaliban muna ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na nakatakdang idaos sa ika-5 ng Disyembre 2022.
Ayon sa House Bill 937, iminungkahi ni Gomez na ipagpaliban muna ng isang taon ang nasabing eleksyon sa Disyembre 5, 2023 sa halip na sa darating na Disyembre 5, 2022, at kung saan ang mananalong mga opisyal ay pormal na mauupo sa tungkulin sa tanghali ng Enero 1, 2024.
Ang mga kasalukuyan namang opisyal ng barangay at SK ay mananatili sa kanilang posisyon, maliban na lamang kung matatanggal o masususpinde.
Ikinatwiran ni Gomez sa kanyang panukala na kung maipagpapaliban ang naturang eleksyon, magkakaroon ng pagkakataon ang pamahalaan na makalikom ng sapat na pondo para sa mga programa at iba pang hakbang na pantugon sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
Nabatid na gagastos ang pamahalaan ng higit P8 bilyon kung isasagawa ang Barangay at SK elections.
Inihain naman ni Gomez ang naturang panukala sa gitna ng nagpapatuloy na voter registration ng Commission on Elections (Comelec) para sa halalang pambarangay at SK.
Maalalang sinabi ng Comelec na tuloy-tuloy din ang kanilang preparasyon para sa barangay at SK polls, sa harap ng mga panawagang ipagpaliban muna ito.

