APAT na drug suspects, kabilang ang miyembro ng isang criminal gang at isang menor-de-edad, ang tiklo sa mga operatiba ng Malabon police matapos makuhanan ang mga ito ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot bilang sina John Domingo alyas “Joan,” 51 anyos, miyembro ng “Reyes and Abaya Criminal Gang,” Ma. Luisa Dayrit alyas “Nine,” 36 anyos, Emerson Rosaldo alyas “Eson,” 27 anyos, online seller at isang 15-anyos na binatilyo, pawang mga residente ng Brgy. Longos.
Ayon kay Col. Barot, dakong ala-1:15 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Borromeo St., Brgy. Longos matapos itong makatanggap na impormasyon hinggil sa pagtutulak ng illegal na droga ni Domingo.
Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Domingo ng P2,000 halaga ng droga at nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Kasama ring dinakip ng mga operatiba sina Dayrit, Rosaldo at ang binatilyo matapos makuhanan rin ng plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana.
Sabi ni PMSgt. Randy Billedo, tinatayang nasa 35 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P238,000, nasa pitong gramo ng hinihinalang marijuana na nasa P840 ang halaga, buy-bust money, cellphone at leather pouch bag ang nasamsam sa mga suspek.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

