IPINALIWANAG ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaaring magkaroon ng dayaan gamit ang mga hindi awtorisadong mga balota at vote counting machines (VCMs).
Ito ang pagtitiyak ni Director Jeannie Flororita ng Comelec Information and Technology Department sa ginagawang demonstration o pagpapakita ng komisyon sa sistemang gagamitin, ang Automated Elections System (AES), para sa darating na halalan.
Ayon kay Director Flororita, bawat presinto ay may vote counting machine kung saan may partikular na balotang nakalaan na doon lamang sa presinto na iyon dapat gamitin.
Dagdag pa niya, hindi tatanggapin ng VCM ang alinmang balota na hindi nakalaan para gamitin sa presinto kung saan nakalaaan ito.
Paliwanag niya na isa lamang ito sa mga itinakdang hakbang pang-seguridad upang labanan ang anumang posibleng pagtatangka na dayain ang botohan.

