IBINABALA na ng Department of Energy (DOE) ang posibleng pagtaas ng singil sa kuryente sa darating na Mayo bunsod ng pagmahal ng halaga ng “coal” o uling.
“Dahil sa pagtaas ng presyo ng coal, tumataas po ang presyo ng ating kuryente ngayon at ito’y mararamdaman ng ating mga mamamayan, ng ating mga consumers, by May,” abiso ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Gayunman, tiniyak ni Cusi na may sapat pang suplay ng uling ang bansa sa loob ng isang buwan.
“Dito naman sa supply ng coal sa ating bansa, supisyente po. Thirty days na imbentaryo po ang mine-maintain natin. Ang gen cost naman po, nakikiusap na kung pupuwede ay luwagan natin ‘yung 30 days inventory dahil nagdo-doble ang presyo ng coal at nangangailangan sila ng malaking kapital,” ayon sa kalihim.
Nauna na ring ini-anunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na asahan nang tataas muli ang singil sa kuryente sa Mayo dahil sa pagbabago ng presyuhan ng Malampaya natural gas field na iniuugnay sa pagsipa ng global crude prices.
Ngayong buwan pa lamang ay inaasahan nang tataas ng 6.25 sentimo kada kilowatt-hour ang singil ng Meralco o tinatayang P13 sa electricity bill ng residential customers na kumukonsumo ng 200 kilowatt-hours.

