PINAG-AARALAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang kasalukuyang pinaiiral na number coding tuwing hapon sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA officer-in-charge at General Manager Romando Artes, ikinukonsidera nilang ipatupad din ang number coding simula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga. Mula ito sa pinaiiral ngayon na number coding scheme mula alas-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.
“Pinag-aaralan po natin yan na if ever baka po i-expand natin between 7 a.m. to 9 a.m. and 5 p.m. to 8 p.m. yung number coding scheme,” ayon kay Artes.
Sinabi ni Artes na imo-monitor muna ng MMDA ang epekto sa trapiko ng inirekomendang pagbababa sa Alert Level 1 sa National Capital Region bago palawigin ang number coding.
“Tingnan natin ‘yung epekto kung sakaling bumaba sa Alert Level 1 ang National Capital Region, titingnan natin yung epekto sa traffic. Kasi sa ngayon, nakikita natin na kulang pa po yung pampublikong transportasyon natin,” pahayag ni Artes.
Tinukoy nito na sa kasalukuyan ay nasa katamtaman hanggang sa mabagal ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa ilang partikular na oras.

