MAYRUONG itatayong hiwalay na lugar ang Commission on Elections (Comelec) para sa mga person with disability o may kapansanan, nakatatanda at buntis na boboto sa May 9 national at local elections.
Sa ilalim ng Comelec Resolution 10761, may ilalagay na Emergency Accessible Polling Places (EAPP) sa mga voting center para sa PWDs, senior citizens, at heavily-pregnant o buntis na malalaki na ang tiyan.
Ang Emergency Accessible Polling Place ay maaaring isang silid o pansamantalang lugar na nasa unang palapag o ground ng voting center o nasa labas na madaling mapupuntahan ng mga may kapansanan, nakatatanda at buntis sa araw ng eleksyon.
Ayon sa Comelec, isang EAPP ang dapat itayo sa isa hanggang pitong barangay; dalawa para sa walo hanggang 14 na barangay at tatlo para sa 15 barangay pataas.
Kailangan umanong may maluwag na espasyo para sa hindi bababang sampung PWD, senior citizen at heavily pregnant na botante at kasama rito ang gagamit ng wheelchair at aalalay sa kanila.
Mahalaga ring konsiderasyon na dapat ay mayruong rampa, malalaking karatula, directional signs sa entrada, may washroom at Filipino Sign Language interpreter.
Ang pagboto sa EAPP ay simula alas-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at kung satellite EAPP naman ay hanggang alas-dos ng hapon.

