HINDI na nakapalag pa ang No. 4 Most Wanted Person ng lungsod ng Valenzuela nang masakote ito sa kanyang pinagtataguan sa Pangasinan matapos ang 16 na taon na pagtatago sa batas.
Kinilala ang naarestong akusado na si Michael Reyes, 35 anyos, residente ng Purok 4, Brgy. Nibaliw, Mangaldan Pangasinan ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr.
Ayon kay Col. Haveria, nakatanggap ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police ng impormasyon mula sa isang impormante hinggil sa pinagtataguan ng akusado sa Pangasinan.
Kaagad namang bumuo ng team ang WSS sa pamumuno ni PLt. Robin Santos at Valenzuela Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni PLt. Armando Delima, kasama si PSMSgt. Roberto Santillan, pawang mga nasa ilalim ng pamumuno ni Col. Haveria.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ng WSS at SS-6 ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Reyes dakong alas-5:20 ng hapon sa kahabaan ng Rizal Street, Brgy. Poblacion, Mangaldan, Pangasinan.
Ayon kay PLt. Santos, si Reyes ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu noong Hulyo 24, 2006 ni Hon. Nancy Rivas-Palmores, presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 172, Valenzuela City para sa kasong Rape at walang inirekomendang piyansa.

