BAGO tuluyang magretiro, inilabas na ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang kanyang hiwalay na opinyon sa disqualification case ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Sa kanyang 24-pahinang desisyon, sinabi ni Guanzon na ang conviction ni Marcos sa tax evasion cases noong 1982-1985 habang naninilbihan bilang Bise Gobernador at Gobernador ng Ilocos Norte ay maituturing na “crime involving moral turpitude,” at basehan upang siya ay madiskwalipika.
Kahapon ay sinamahan si Guanzon ng kanyang mga taga suporta na dumalo ng misa sa Manila Cathedral.
Dito tahasang sinabi ni Guanzon na sinungaling si Marcos at hinamon nito si Commissioner Aimee Ferolino, ang naatasang ponente, na ilabas ang desisyon na dapat sana ay nailabas na bago pa ang Enero 17.
Nabatid na nakatakdang magretiro si Guanzon sa Pebrero 2. Sakaling ilabas ang desisyon makatapos ang Pebrero 2 ay magiging invalid na ang kanyang boto.
Si Guanzon ang Chairman ng Comelec First Division, at isang boto na lang ang kailangan upang madiskwalipika ang dating senador.
Subalit ayon kay Ferolino ay pinipilit siya ni Guanzon na pabilisin ang paglalabas ng desisyon.

