INANUNSIYO ng Department of Health (DOH) na dapat paikliin ang interval o pagitan ng pagbibigay ng booster doses.
Ito ay ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III kasunod ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) ng mga ilang brand ng bakuna sa Pilipinas.
Magiging epektibo ang pinaikling agwat ng pagbibigay ng booster doses ngayon, Disyembre 22, 2021.
Sa ilalim ng bagong patakarang ito, ang mga booster ay maaaring maibigay na sa mga nasa hustong gulang na nabakunahan na ng hindi bababa sa tatlong buwan pagkatapos ng second dose ng primary two-dose vaccine o hindi bababa sa dalawang buwan pagkatapos maibigay ang pangunahing bakuna na may isang dose lamang.
“We are exploring all possible options to safely mitigate the effects of more transmissible variants of COVID-19. The approval came at an opportune time as several countries also re-strategized in light of the Omicron and other COVID-19 variants that may emerge,” ayon kay Duque.
Inulit din ng DOH ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa pagbabakuna sa mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang pangunahing serye.
Nanawagan din Ito sa mga lokal na pamahalaan na hikayatin ang kanilang mga mamamayan na magpabakuna, lalo na ang mga unvaccinated senior citizens at mga indibidwal na may underlying medical conditions na mas vulnerable na magkaroon ng mas malalang sakit dulot ng COVID-19.
“Ensuring enough coverage of the primary series while adhering to the minimum public health standards are crucial if we want to maintain low to minimal risk classification and have adequate health systems capacities especially during the holiday season,” pahayag pa ng kalihim.

