SINALAKAY ng Bureau of Customs (BOC) ang isang bodega sa Dacudao, Corrales Extension, Barangay Puntod, Cagayan de Oro.
Pinasok ang nasabing bodega ng BOC, katuwang ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at barangay officials kasunod ng ulat na natanggap ng BOC kung saan mayroon itong mga imported agricultural products.

Sa nasabing pagsalakay, pagdating ng mga operatiba ay sarado ang bodega at wala ring inabutang mga kinatawan, dahilan para selyuhan ang gate at isinagawa ang inspeksyon nitong Oktubre 22.
Natuklasan ng raiding team ang imported agricultural products tulad ng bawang, sibuyas, mung beans, carrots, at iba pang assorted imported goods.
Ayon sa BOC, isasailalim ang mga ito sa seizure and forfeiture proceedings sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act kung hindi makapagpakita ng import documents sa loob ng 15 araw ang may-ari nito.
Gayunman, tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng red onions ang kinumpiska matapos maberipika ng Department of Agriculture na hindi ito nag-isyu ng importation permit para rito na kinokonsiderang smuggled goods at inirekomenda para sa Warrant of Seizure and Detention.
(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)

