ISANG linggo lamang na pagpapalawig sa voter registration para sa May 2022 elections ang handang ikompromiso ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ang kinumpirma ni Comelec spokesperson James Jimenez kasunod na rin ito ng impormasyon na ipinaabot ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa Senado na humihirit ng isang buwan na extension sa voter registration.
Ayon sa paliwanag ni Jimenez, malaki ang magiging epekto sa trabaho ng Comelec para masiguro ang maayos na eleksyon kung pagbibigyan ang mas mahabang pagpapalawig ng panahon nang pagpapatala ng mga botante.
Sa kabila naman ng sinasabing epekto ng mga ipinapatupad na lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar, sinabi na ng Comelec na nalagpasan na nila ang kanilang target na 59 milyong botante.
Sinabi ni Jimenez na nasa 62 milyon na ang nakapagpa-rehistro na inaasahan pa nilang madaragdagan sa natitirang mga araw nang voters’ registration.
Una nang ipinabot sa dalawang kapulungan ng Kongreso ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo ang pagiging bukas ng komisyon sa isang-linggong dagdag na panahon sa pagpaparehistro ng mga botante.
Ito ay maaaring ganapin pagkatapos ng nakatakdang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga kandidato para sa eleksyon 2022 simula sa Oktubre 1 hanggang 8.

