PAG-UUSAPAN ng Commission on Elections (Comelec) ang Senate resolution na naglalayong palawigin ang voter registration ng isang buwan dahil dito nakasalalay ang budget ng ahensya.
Ayon kay Comelec commissioner Rowena Guanzon, maaaring italaga ni Comelec chairman Sheriff Abas na pag-usapan sa kanilang meeting ang panawagan na i-extend ang deadline ng voter registration matapos na gawin itong resolution ng senado.
“Ngayon may Senate resolution na e. Hindi na mai-ignore ng Comelec ‘yan dahil ang budget namin nand’yan. Ibang usapan naman ang Senate resolution. Mabigat naman ‘yan,” sinabi ni Guanzon sa isang panayam sa radyo.
Ang deadline ng voter registration ay sa ika-30 ng Setyembre. Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 851, maaaring bawasan ang 2022 budget ng Comelec hanggang hindi nito pinapayagan ang panawagan ng Senado.
Sigurado si Guanzon na magkaroon ng schedule para mapag-usapan ang resolusyon na ipinasa nila noong ika-14 ng Setyembre na palawigin ng isang buwan ang voter registration para sa 2022 election.
Kinakailangan na maisagawa ang kabuuang listahan ng mga botante sa darating na Disyembre habang ang mga pag-iimprenta ng mga balota ay dapat matapos sa Enero, batay sa timeline ng Comelec.
“Right now, mayroon tayong 62 million plus na naka-rehistro na. ‘Yung kabataan na target, may kulang pa tayong one million,” ayon kay Guanzon.
Noong Lunes, suhestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na bawasan ang budget ng Comelec kung ito ay tumangging palawigin ang extension ng voter registration sa bansa.
Kung patuloy pa ring tatanggi ang Comelec, magpapasa na ang Senado ng one-sentence bill para i-extend ang deadline ng voter registration mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 31, 2021.
Matatandaang hindi pinayagan ng Comelec ang proposal ng mga mambabatas na gawing Oktuber 31, 2021 ang bagong deadline ng voter registration. Gayunman, mas pinahaba ng ahensya ang voter registration hours.

