NATAGPUANG patay ng kanyang ina ang isang call canter agent matapos itong makipag-inuman sa mga kaibigan sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nadiskubre ang walang buhay na katawan ni Armando Escaño, 30 anyos, ng kanyang ina na si Mila, 56 anyos, na nakadapa sa kanyang kama sa loob ng kanilang bahay sa No. 8 VMN Compound, Brgy. Potrero dakong alas-2 ng madaling araw.
Sa salaysay ni Mila sa pulisya, huli niyang nakitang buhay ang biktima bandang ala-una ng hapon habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.
Dinala sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory ang bangkay para sa isang awtopsiya upang matukoy kung ano ang tunay na ikinamatay nito dahil wala naman nakitang injury sa kanyang katawan.
Sinabi ni Col. Barot na magsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon tungkol sa insidente habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya.
