Mga takas sa SPD Custodial facility, laglag sa mga operatiba ng MPD

LAGLAG sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang lalaki na sinasabing mga takas sa bilangguan ng Southern Police District-District Special Operations Unit (SPD-DSOU) Custodial Facility.  

Sa ulat na ibinahagi ni MPD-PIO Capt. Philipp Ines, nadakma ang mga suspek na sina Randy Malang y Mallari, 34 anyos, technician, tubong Tondo at residente ng 72 Imelda St., Tondo, Maynila, at Gerald Daroy, 27 anyos, at residente naman ng 447 Morning Star St., Tondo.

Si Mallari at Daroy ay kapwa may kinakaharap na kasong robbery extortion at illegal possession of firearms at illegal possession of explosives.

Ang dalawa ay naaresto sa kahabaan ng Road 10 kanto ng Herbosa St., Tondo, Maynila Huwebes ng hapon.

Ayon kay Capt. Ines, nakatanggap ang MPD-PS 12 ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawa na sangkot sa nasabing mga kaso na isinampa ng Southern Police District DSOU personnel sa Maynila.

Agad na bumuo ng team  si PLt. John Cayetano upang i-check ang impornasyon kung saan sa tulong na rin ng mga tauhan ng Intel and Investigation ng MPD at  mga operatiba ng SPD-DSOU sa pangunguna naman ni  PLt. Alvin Bagay at iba pa ay naaresto ang dalawang suspek.

Nasa kustodiya na ng MPD-PS 12 ang dalawa at nakatakdang i-turn over sa SPD-DSOU.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.