Preso namaril ng kapwa preso: 2 patay. 5 sugatan

PATAY ang dalawang preso sa naganap na walang habas na pamamaril sa loob mismo ng Provincial Jail sa Calapan City, Oriental Mindoro kahapon.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Edison Sampaga, 41 anyos at ang 36 taong gulang na si Lowelyn Mendoza, kapwa Person Deprived of Liberty o PDL sa nabanggit na jail facility.

Sugatan din sa pamamaril ang lima pang PDL na sina Jeffrey Bajo Delos Reyes, 37; Christian Encarnado Licuan, 45; Hector Culla Abes, 41; Mark Belleza Dela Cruz, 42; at Alberto Lubusan Ebueza, 21.

Ayon sa report ng Calapan City Police Office, nagtungo sa kanilang himpilan si Prison Guard 1 Ricky Sevilla para magpatulong sa nangyaring pamamaril ng PDL suspect na si Sampaga matapos barilin nito ang kapwa bilanggo na si Mendoza.

Hindi pa malaman sa imbestigasyon kung bakit napasa kamay ni Sampaga ang isang .9mm caliber pistol at walang habas na namaril sa kapwa mga preso nito sa loob ng Selda Uno sa Oriental Mindoro Provincial Jail sa Barangay Camilmil pasado alas 2 ng madaling araw ng Martes.

Pero bago pa man makakilos ang rumespondeng SWAT team ay nagbaril na sa sarili ang suspek.

Kasalukuyang nagpapagamot ang mga nasugatang PDL sa provincial hospital at bantay sarado ng mga awtoridad.

Patuloy ang masusing pagsisiyasat ng pulisya ang pangyayari at inaalam na rin kung paano nakuha ni Sampaga ang baril ng isa sa mga prison guard. Nakuha ng SOCO team ang nasa sampung basyo ng bala ng baril na ginamit ng suspek sa walang habas na pamamaril sa loob ng piitan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.